Superstisyon

Mharvin Oyao
1 min readDec 25, 2020
Art by Chico David

Mayroong matandang paniniwala na ang lubog na pusod ay simbolo ng karamutan, kabaligtaran naman ang luwâ. Nakaugat ang pamahiing ito sa sosyo-ekonomikong aspeto ng pamumuhay. Sa tradisyunal na panganganak sa bahay, pinuputol ng kumadrona ang umbilical cord ng isang sanggol gamit lamang ang kutsilyo. Sa paraang ito, hindi nasasagad ang pag-alis kaya ito nakaluwa. Ang may-kâya ay nakapupunta ng ospital kung saan mayroong kumpletong gamit ang mga doktor na makagagawa nito.

Noon pa man, mayroon ng marka na siyang naghihiwalay sa uri ng danas. Ang simbolong ito ay hindi tatak, kundi mantya ng matagal nang kawalan ng katarungan. Noon pa man, mayroon ng bakas ng kahirapan. Tulad ng (bagamat hindi lubusang maitutumbas sa) pagtingin natin sa malaking tiyan, nagsisilbi itong patunay. Maramot. Ganid. Malaking tiyan. Maituturing mang isteryotayp, ang mga ganitong uri ng paniniwala ay nananatiling gabay at babala. Kailanman ay hindi nagsawang ipaalala ng kasaysayan at panitikan na ang ganid, kailanman, ay hindi mabubusog, gaya ng salat.

--

--